Ebanghelyo: Mc 2: 1-12*
Pagkaraan ng ilang araw, pumasok siya sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pintuan. At ipinahayag niya ang Salita. May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat.
(…) Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila: “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat ninyong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon nga ang tao, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “kailanma’y hindi pa kami nakakita ng ganito.”
Pagninilay
Hindi tayo palaging malakas. May mga pagkakataon na kakailanganin natin ang tulong ng ating kapwa. Ganyan ang katatayuan ng paralitiko sa ebanghelyo. Hindi siya makalapit kay Jesus kaya’t dinala siya ng ilang tao sa Panginoon. Habang nasa higaan ay inihugos siya sa butas ng tinanggal na bubungan. Nailapit siya kay Jesus at siya ay napagaling. Mula sa pagiging paralitiko, siya ay bumangon at nakalakad na. Totoo ang kasabihang Ingles na No man is an island. Hindi tayo mabubuhay na mag-isa. Kailangan nating makipag-ugnayan sa kapwa. Kahit tayo ay malakas, darating ang sandali na tayo ay manghihina. Doon natin matatatanto na hindi natin kakayaning tumayo nang nag-iisa. Kapag tayo ay naghihina, kapwa natin ang magiging ating lakas at sandigan. Kailangan ang kababaangloob upang tanggapin ang katotohanang hindi tayo mabubuhay na magisa. Magpakababa tayong aminin na wala tayong magagawa kung palaging aasa sa sarili. Kailangan natin ang kapwa. Higit sa lahat, kailangan natin ang Diyos. Tayo ay mga pulubi lamang sa pintuan ng kanyang karunungan, kapangyarihan at pagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024