Ebanghelyo: Mc 2: 13-17
Muli siyang pumunta sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay ni Levi, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Talaga ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad: “Ano! kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.
Pagninilay
Wika ni San Alfonso, “God has allowed us to be molested by temptation so that we may have compassion for others.” Mabuti na lamang at tayo ay may kahinaan din. Madali nating mauunawaan ang kahinaan ng ating kapwa. Kaydakila ni Jesus. Wala siyang kasalanan ngunit inunawa niya at minahal ang mga masasama at makasalanan. Sa ebanghelyo, nakisalo Siya sa mga publikano at mga makasalanan. Hindi niya alintana ang kanilang kahinaang makatao. Maraming tao ang mapanghusga. Minamaliit ang kapwang nagkakamali. Sinisisi ang mga naliligaw ng landas. Nakakalimutang sila man ay may mga pagkukulang din. Tama ang kasabihan, Huwag mong gagamitin ang hintuturo upang sumbatan ang kapwa. Tatlong daliri mo ang nakaturo sa iyo. Baka nga mas masahol ka pa sa kapwang iyong inuusig. Kailangan ang pang-unawa sa kapwang nagkakamali. Sabi ng yumaong Obispo Julio X. Labayen ng Infanta kapag may paring nadarapa at nagkakasala, “Ako rin ‘yon kung di lamang sa grasya ng Diyos.” Sino nga ba naman tayo sa harap ng kabanal-banalang Diyos? Sa kanya lamang tayo umaasa ng habag. Bakit hindi tayo mahabag sa kapwang tulad natin ay mahina rin?
© Copyright Pang Araw-Araw 2024