Ebanghelyo: Jn 1: 35-42
Kinabukasan, naroon na naman si Juan at dalawa sa kanyang mga alagad. Pagdaan ni Jesus, tinitigan niya ito at sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.” At narinig siyang nagsasalita ng dalawang alagad kaya sinundan nila si Jesus. Lumingon si Jesus at nakita niya silang sumusunod, at sinabi niya sa kanila: “Ano’ng hinahanap n’yo?” Sumagot naman sila sa kanya, “Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka namamalagi?” At sinabi niya sa kanila: “Halikayo at inyong makikita.” At pumaroon sila at nakita kung saan siya namamalagi, at maghapon silang namamalagi sa kanya. Magiikapat ng hapon ang oras noon. Si Andres na kapatid ni Simon Pedro and isa sa dalawang sumunod sa kanya pagkarinig kay Juan. Una niyang natagpuan ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya: “Natagpuan namin ang Mesiyas (na kung isasalin ay Pinahiran).” Inihatid niya siya kay Jesus. Tinitigan siya ni Jesus at sinabi nito: “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Kefas (na kung isasalin ay Pedro).”
Pagninilay
Sa pagpapakilalanan, unang itatanong kung ano ang pangalan mo. Ang kasunod ay ilang taon ka na. Pagkatapos ay aalamin din kung saan ka nakatira. Sa ebanghelyo ngayong Linggo ay tinanong si Jesus, “Rabi, saan po kayo namamalagi?” Tinatanong ang Panginoon kung saan siya nakatira. Sa tanong na ito ay nais ng mga alagad na mapahaba ang pakikipagniig sa Panginoon. Gusto nilang palawakin ang pagtatalakay ukol sa Mesiyas. Marahil ay nais din nating makausap ang Panginon at alamin kung saan siya nakatira. Nagtatanong din tayo kung saan siya matatagpuan. Nais natin siyang makapiling nang matagal upang damhin ang kanyang prsesensiya at pagmamahal. Tunay na malalim na kaligayahan ang mamalagi sa piling ni Jesus. Saan nga ba siya matatagpuan? SALITA. Si Jesus ay nagpapahayag sa Banal ma Kasulatan. Kapag tayo ay nagbabasa ng Bibliya at dumadalo sa Banal na Misa ay naririnig natin siyang nagpapahayag sa kanyang salita. Nakikilala natin ang Panginoon sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan. Minsan ngang sinabi ni San Jeronimo, “Ignorance of Scriptures is ignorance of Christ.” SAKRAMENTO. Kapag tayo ay nagdiriwang ng mga Sakramento, nakakaniig natin si Jesus. Siya mismo ang handog na Tinapay at Alak sa Banal na Eukaristiya. Siya ang Tinapay ng Buhay na ating pinagsasaluhan sa hapag. Siya rin ang nagpapatawad ng mga kasalanan sa Sakramento ng Kumpisal. Siya ang lunas sa karamdaman sa Pagpapapahid ng Banal na Langis. MINISTRO. Sa katauhan at paglilingkod ng paring tumanggap ng Banal na Orden ay nakakatagpo si Jesus. Siya ang bukal ng mga pagpapalang dumadaloy sa mga Sakramento na ipinagdiriwang ng mga pari. Instrumento lamang ang mga inordinahan upang makadaupang-palad ng mga mananampalataya ang Panginoon. KAPWA. Si Jesus mismo ang nagsabi na anuman ang gawin natin sa ating kapwa ay ginawa natin sa kanya. Siya ay nasa katauhan ng kapwang ating nakakasalamuha. Siya ay nasa mukha ng mga api at mga dukha ng lipunan.Sabi nga ng awiting pinamagatang “Jesus na aking kapatid,” si Jesus daw ay sa “bukid nagtatanim at sa palengke naghahanap-buhay.” Hindi na tayo dapat magtanong, “Saan ka namamalagi?” Mabilis Niya tayong sasagutin, “Ako ang Emmanuel. Ako ay nasa puso mo.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024