Ebanghelyo: Marcos 1:29-39
Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may iba’t ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pagninilay
Si Jesus ay lumabas upang tulad ng isang mananakop ay masakop din Niya ang mundo, hindi gamit ang espada tulad nang iniisip ng mga Hudyo tungkol sa Mesiyas bilang Tagapagpalaya, kundi gamit ang kaniyang salita, ang pag-ibig ng Diyos, at ang kapangyarihan ng Diyos na nagdadala ng tunay na pagpapalaya. Ito’y hindi tulad ng pagpapalaya sa anumang sitwasyong pampulitika, gaya ng pananakop noon ng mga Romano sa mga Hudyo, kundi pagpapalaya mula sa tanikala ng kasalanan, kasakiman, at kasamaan. Bilang mga Kristiyano, tayo rin ay tinatawag na maging tagapagpahayag ng Salita ng Diyos sa ating mga pamilya, tahanan, paaralan, lugar ng trabaho, sa lahat ng antas ng lipunan. Sinimulan ni Jesus ang kaniyang araw sa pananalangin, sa pakikipag-isa sa Ama, at ginanap sa buong araw ang gawain ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Nawa’y gawin nating pang araw araw na gawain ang pananalangin at pagtulong sa kapwa. Buong puso tayong sumunod sa daan ng kabutihan ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




