Ebanghelyo: Mateo 18:1-5, 10, 12-14
Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.
Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit. Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.
Pagninilay
Pinahayag sa hula ni Propeta Isaias na isisilang ang isang bata na kahanga-hangang tagapayo, prinsipe ng kapayapaan. Sa pamamagitan niya, pinili na tayo ng Diyos na maging Kanya bago pa man nilikha ang sanlibutan. Siya si Jesus, ang Anak ng Diyos na malapit sa puso ng katulad ng sa mga bata.
Hindi marangal ang mga bata at babae sa kultura ng mga Hudyo. Itinuturing silang “second class” sa lipunan. Ni hindi nga sila isinama sa bilang sa naganap na milagro ng pagpapakain sa limang libong tao mula sa limang tinapay at dalawang isda. Pero para kay Jesus, ang una sa kaharian ng langit ay yaong tulad ng mga bata. Bakit katulad ng mga bata? Larawan ng kawalang sala at kadalisayan ang puso ng mga bata. Walang masamang hangarin at poot. Sa kultura pa rin ng mga Hudyo, larawan ang mga bata ng mga isinantabi ng lipunan, mga pinabayaan at pinagkaitan ng pansin. Sila ang mga itinuturing na pinakamababa sa lipunan: ang mga dukha, mga nasa laylayan at nasa mahirap na sitwasyon. Subalit higit sa lahat, sila rin ang tapat na nananalig sa awa ng Diyos.
Sino ang mga nasa laylayan ng ating lipunan? Maraming bata ngayon ang hindi nabibigyang pansin dahil sa kahirapan ng buhay: mga batang nagugutom, hindi nakakapag-aral, iniwanan ng mga magulang. Marapat lamang na hanapin sila at bigyang pansin sapagkat sila ang malapit sa puso ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023