Ebanghelyo: Mc 2: 18-22
At minsa’y nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit sa kanya at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”
Pagninilay
Kumustahin mo ang isang kapwa-Pinoy. Malamang na ang isasagot niya ay “Mabuti. Kagaya rin ng dati.” Bakit katulad rin ng dati na? Wala bang pagbabago? Wala bang pag-unlad? Sa ebanghelyo, ang nais ni Jesus ay pagbabago sa mundo. Ito ang ibig niyang sabihin sa “bagong alak sa bagong sisidlang balat.” Nais ng Panginoon na sa kanyang salitang may kakayanan ay mapagbago ang mundo at umayon sa kanyang panukala, Kapag ang isang pari ay may ipakikilalang gawain o proyekto sa parokya, may mga parokyanong magsasabi ng ganito, “Dati po ay ganito lamang ang aming ginagawa. Hindi po kami bihasa ng ganyan. Hindi namin alam kung paano gagawin. Baka hindi namin kayanin.” Kapag ganito ang mga saloobin ay malamang na hindi matutuloy ang panukalang pagbabago. Binuksan ng Ikalawang Konsilyo Vaticano ang bintana ng Simbahan para pumasok ang hangin ng pagbabago. Ito pa rin ang hinahangad ng mga lider ng Simbahan. Matibay ang paninindigan ni Papa Francisco ukol sa kinakailangang pagbabago sa Simbahang sinodal. Sana ay maging bukas ang lahat sa pagbabago. Kapag ganoon ang saloobin ng lahat, ang Simbahan ay susulong at uunlad.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024