Ebanghelyo: Marcos 3:13-19
At umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya. At lumapit sila sa kanya. Sa gayon niya hinirang ang Labin- dalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan para palayasin ang mga demonyo.
Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi’y “Sina-Parang-Kulog”; at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.
Pagninilay
Maraming tao ang sumunod at sumama kay Jesus. Sila’y mga naging disipulo sapagkat nakinig sila sa Kanyang pangangaral at naranasan nilang makasama siya; ang kanyang karakter, pagtuturo, at mga aral. Si Jesus man ay nakilala sila. Pumili si Jesus ng labindalawa upang maging kanyang mga apostol. Ang 12 apostoles ang kumakatawan sa 12 angkan ng Israel na sumasagisag sa pagbubuo ni Jesus ng bagong Israel, ang bagong bayan ng Diyos. Dalawa ang layunin ng pagpili sa kanila: ang pagiging kasama niya at ang pagpapahayag ng Ebanghelyo. Bilang mga bininyagan kay Kristo, tayo rin ay bahagi ng Kanyang bagong bayan kung kaya’t tayo rin ay may tungkuling maging kasama niya at magpahayag ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng pagiging kanyang saksi sa ating mga buhay. Tulad ng mga piniling apostoles, tayo ay manatiling kasama niya sa pamamagitan ng pakikinig sa Kanyang mga salita at aral upang tayo’y maging handa sa pagpapahayag nito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023