Ebanghelyo: Marcos 2:18-22
At minsa’y nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit sa kanya at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, tinanong kung bakit hindi nag-aayuno ang mga alagad ni Jesus gaya ng ginagawa ng iba. Ang tugon ni Jesus ay sapagkat kasama pa nila ang Nobyo o ang kasintahang lalaki sa isang kasal. Ibig sabihin, habang kasama ng mga alagad si Jesus, sila ay nagdiriwang pa nang kasalan na maituturing na pagpipista. Ngunit winika rin ni Jesus na balang araw ay kukunin sa kanila ang Nobyo. Mawawala si Jesus sa kanilang piling dahil sa Kaniyang pagpapakasakit at kamatayan sa Krus. Si Jesus ang Dakilang Nobyo na itinuturing na halimbawa ng kabutihan, pag-ibig, at katuwiran para sa lahat. Dito natin mas mauunawaan ang talinghaga tungkol sa bagong alak sa bagong sisidlan. Ang “bagong alak” ay madalas na ginagamit sa Lumang Tipan at madalas itong tumutukoy sa makalupang kasaganaan (lalo na kapag ipinares sa “butil”). Ibig sabihin, “mga tanda ng pagpapala ng Diyos”, na nagpapaunlad sa isang may kayamanan. Sa Bagong Tipan, ang terminong “bagong alak” (oinon neon sa Griyego) ay halos hindi ginagamit. Ngunit sa paggamit nito ni Jesus, inaanyayahan Niya tayo na kilalanin na sa Kaniyang pagdating sa mundo, ay mayroong bagong biyaya, bagong pag-asa, tulad ng bagong alak. At dahil bago ang alak, kinakailangan na tayo, bilang mga tatanggap ng biyaya ay mapanibago rin. Kung si Jesus ay ang bagong alak, tayo rin dapat ay maging mga bagong sisidlan, na kikilalanin at mananalig kay Jesus at magkakaroon ng bagong pagtingin sa buhay natin bilang mga Kristiyano.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




