Ebanghelyo: Marcos 2:23-28
Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ito ipinahihintulot.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa kailanman ang ginawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom – siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.” At sinabi pa sa kanila ni Jesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, mas inuna ni Jesus ang pangangailangan ng tao nang Kaniyang ipagtanggol ang mga alagad. Sa ganitong paraan, itinuturo ni Jesus na ang pangangailangan ng kapwa tao ay mahalaga at maging prayoridad din natin. Ito ang dahilan kung bakit mayroon at dapat na isa tayong sigaw tungkol sa mga nangyayari sa mundo, lalo na sa mga pangunahing pangangailangan ng tao para sa pagkain, tubig at tirahan na ipinagkakait dulot ng makasariling paghahangad ng ilan. Hinahangad ng Simbahan na magkaroon ng pagkilala sa karapatang pantao dahil biniyayaan tayo ng Diyos ng isang handog, na natatangi sa lahat ng Kanyang nilikha: ang dignidad ng isang tao. Bilang mga tao, pinagbubuklod tayo ng pangkalahatan nating dignidad, kasama na ang karapatan nating mabuhay. Ang pananampalataya ay nananawagan sa atin na maging makatao, sa diwa ng paggalang sa ating sariling pagkatao at sa kapwa. Gayundin, upang matiyak na ang mga pangunahing pangangailangan at karapatan ng mga tao ay natutugunan. Nawa, matutunan din natin na pahalagahan ang kapwa tulad ng pagdamay ni Jesus sa mga nangangailagan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




