Ebanghelyo: Mc 6: 30-34
Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman niya sa kanila: “Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa kanila. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal. “Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila.”
Pagninilay
Ang pag-aalaga ng mga hayop na kasama sa bahay bilang mga “pets,” o bilang negosyong pagkakakitaan, gaya ng poultry o piggery, ay malaking responsabilidad. Nangangailangan ang mga hayop ng tamang pag-aalaga at pagaaruga upang ang mga ito ay manatiling malusog at hindi madapuan ng mga sakit na maari nilang ikamatay. Mapapansin ang kakaibang atensyon at pagmamalasakit ng isang may-ari ng mga hayop sa isang swelduhan o bayarang manggagawa na binigyan ng trabaho upang alagaan ang mga ito. Madalas na ang may-ari ang nakapagbibigay ng sapat na panahon, atensyon, at pag-aaruga sa mga hayop kaysa sa isa lamang trabahador o swelduhang manggagawa. Sa Salmo 23 at sa ebanghelyo ni San Marcos 6:30-34, matutunghayan natin ang imahe ni Jesus bilang isang mabuting pastol na may awa at habag sa mga tao. Mainam na unawain natin, ayon nga sa isang paring Katoliko, na ayon sa ebanghelyo, hindi sinasabi na mabait na pastol si Jesus, bagkus siya ay mabuting pastol. Magkaiba raw ang mabait (kind) sa mabuti (good). Ang mabait ay malamang na kulang sa paninindigan at iiwas sa kaguluhan para hindi makasakit ng kapwa, habang ang mabuting pastol ay handang ialay ang kanyang buhay at ipaglaban ang kapakanan at kaligtasan ng mga tupa. Si Jesus ay mabuting pastol na nag-alay ng kanyang buhay para tayo ay mailigtas sa kapahamakang dulot ng kasalanan at pagsuway sa kalooban ng Diyos. Hindi siya pumarito sa mundo upang bigyang kasiyahan lang ang mga tao (people pleaser). Siya ay pumanaog sa mundo upang isakatuparan ang kalooban ng Kanyang Ama (mission-focused) na umabot hanggang sa pag-aalay ng Kanyang buhay sa krus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024