Ebanghelyo: Mc 3: 22-30
May dumating namang mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.” Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang Satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makatatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahatihati, hindi na makatatayo ang sambahayang iyon. At kung si Satanas ang lumalaban sa kanyang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at makaaagaw sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid ang lahat ng ari-arian nito. Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat – sa kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y di siya mapapatawad; kasalanang walang hanggan ang nasa kanya.” Ang pagsasabi nilang may masamang espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus.
Pagninilay
Alin ba ang kasalanang hindi mapapatawad? Sa Teolohiya Moral, ito ay tinatawag na kawalangpag- asa o despair na taliwas sa Theological Virtue of Hope. Sa Biblia ay may ibang pakahulugan sa kasalanang ito. May kaugnayan ito sa paratang kay Jesus na siya ay inaalihan ng masamang espiritu. Ibig sabihin ay hindi sa Diyos galing ang kanyang gawain kundi sa demonyo. Iyan ang kasalanang hindi mapapatawad. Kapag ganyan ang ating saloobin, ibig sabihin ay hindi natin kinikilala ang kapangyarihan ng Diyos. Ayaw nating tanggapin ang kanyang pag-ibig. Ni pagpapatawad niya ay hindi rin natin tinatanggap. Ganyan ang pakahulugan ng kasalanang walang kapatawaran. Tayo mismo ang humahadlang sa Diyos para kumilos siya sa ating buhay at mapatawad ang ating pagkakasala. Ang grasya ng Diyos ay parang pagbuhos ng tubig sa isang lalagyan. Hindi mo maisisilid sa isang basong may takip ang tubig na bumubuhos. Kinakailangang alisin muna ang takip upang dumaloy ang grasya. Ang pagpapatawad ay pagbuhos din ng grasya mula sa Diyos. Hindi natin matatanggap ang biyaya ng pagpapatawad kung ang ating puso ay natatakpan ng pag-aalinlangan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024