Ebanghelyo: Mc 3: 31-35
Dumating naman ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya. Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; hinahanap ka nila.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?” At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin ang sumusunod sa kalooban ng Diyos.”
Pagninilay
Kapag mabuti at kapuripuri ang ginagawa ng ating kapatid ay buong pagmamalaking sinasabi natin, “Kapatid ko ‘yan!”Ikinararangal natin ang kanyang pangalan at pagkatao. Sinabi ni Jesus sa ebanghelyo na kapatid (at ina) niya ang tumutupad sa kalooban ng Diyos. Tumutukoy ang Panginoon sa spiritual family. Lumalampas pa ito sa ugnayan ng magkakadugo o natural family. Kailan ba natin naging kapatid si Jesus? Naganap ito noong tayo ay binyagan. Sa bisa ng Sakramento ng Binyag, tayo ay naging mga anak ng Diyos. At sapagkat si Kristo ay Anak ng Diyos Ama, siya ay ating kapatid. Kaya naman, dapat natin siyang tawaging “brother” o kaya naman ay “Kuya Jesus.” Hindi dapat na tawagin siyang “Papa Jesus” dahil hindi naman natin siya Ama. Maliwanag na siya ay ating kapatid. Sana nga ay maipagmalaki tayo ni Jesus na kanyang mga kapatid. Sana ay nakikinig tayo sa kanyang salita at nagsisikap tayong isabuhay ito. Gagabayan tayo ni Maria na kanyang Ina at Ina rin natin. Siya ang modelong alagad na nakikinig at nagsasabuhay ng salita ng Diyos. Kapag nakatulad tayo ng Mahal na Birhen, tayo ay tunay na magiging kapatid (at ina) ng Panginoong Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024