Ebanghelyo: Marcos 4:21-25
At sinabi Niya sa kanila: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na di nabubunyag at walang tinatakpan na di malalantad. Makinig ang may tainga!” At sinabi Niya sa kanila: “Isip-isipin ninyo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit ang wala ay aagawain pa ng anumang nasa Kanya.”
Pagninilay
Nakaranas ka na bang pumasok sa isang madilim na silid? Ano agad ang iyong unang gagawin? Gusto mong pindutin ang switch ng ilaw upang lumiwanag. Ang liwanag ay tumatanglaw sa kadiliman, nagbibigay ng direksyon at kagalakan. Kapag may liwanag, ang lahat ay nakikita, walang nakatago. Pinapayuhan Niya tayong gamitin ang mga kakayahan nating makakita, makarinig at makahipo at iba pang mga talento para sa kabutihan ng iba. Tulad nang isang hindi ginagamit na makina na kinakalawang, gayundin naman ang ating mga hindi ginagamit na mga talento ay nawawalan ng silbi kung hindi ibinabahagi para sa kabutihan ng bayan ng Diyos. Dahil sa kadahilanang ito, ang gumagawa ng higit ay mabibigyan ng higit pa, habang ang taong hindi gumagawa ng anumang bagay ay itatapon sa kung ano ang mayroon siya. Ang mga talento na ginagamit ay pinaghuhusay pa habang ang mga talento na hindi ginagamit ay mananatiling nakatago at sa huli ay nalilipasan ng panahon. Ang mga gumagamit ng kanilang mga talento para sa serbisyo ng komunidad ay tulad ng liwanag, na nagbibigay ng kagalakan sa iba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020