Ebanghelyo: Mateo 8:28-34
Pagdating ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Napakabangis nila kayat walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba
para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?” Sa may di-kalayua’y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy – at hayun! nahulog sa bangin ang lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Jesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.
Pagninilay
“Pag-asa sa pangako ng Diyos.” “Isangdaang taon si Abraham nang ipanganak ang kanyang anak na si Isaac.” Kay tagal na naghintay si Abraham at Sarah sa kanilang anak na ipinangako ni Yawe sa kanila bago pa man lisanin ang bayan ng Ur. Sadyang matibay ang kanilang pag-asa sa pangako ng Diyos. Alam nila na kapag ang Diyos ang nangako, tutuparin
niya ito ayon din sa kanyang piniling panahon. Sa Bibliya may dalawang uri ng panahon: Chronos at Kairos. Ang “Chronos” ay ang panahong nababahagi sa mga minuto, oras, araw, linggo, buwang at taon. Ito ang panahong lumilipas at nagdaraan lamang. Subalit ang “Kairos” ay espesyal
na panahon, ito ang panahon ng kaligtasan, ito ang panahon ng pagkilos ng Diyos sa kasaysayan ng mga tao. Ang pagsilang ni Isaac sa kabila ng katandaan ni Abraham at Sarah ay tunay ngang espesyal na panahon sapagkat sa pamamagitan ni Isaac, ang lahi ni Abraham ay darami tulad ng mga bituin sa kalangitan. Sa iyong buhay, anong mga “Kairos” na ang iyong naranasan? Sa aking buhay, naligtas sa maraming panganib: dalawang beses muntik ng malunod, dalawang beses dumaan sa barilan, maraming
beses na sumailalim sa maselang operasyon. Salamat Panginoon!
© Copyright Pang Araw-araw 2025