Ebanghelyo: Mateo 10:1-7
Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya. Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’
Pagninilay
Tinawag ni Jesus ang mga alagad, binigyan ng kapangyarihan at sinugo upang ipahayag ang kaharian ng langit. Tinanggap nila agad ang paanyaya ni Jesus upang maging alagad muna, at apostol matapos ang kanilang training. Hindi pa sila perpekto noon, hindi pa rin banal; marami pa silang kahinaan, pagdududa at mga maling akala. Ngunit nakita ni Jesus ang potential within sa kanilang mga sarili; sila ay naging bukas-palad sa paanyaya ni Jesus at, kahit hindi pa nila nauunawaan ng lubos kung ano ang plano ng Diyos, humayo sila ayon sa turo ng kanilang Guro. Napansin din ni Jesus na baka magkamali pa si Judas sa bandang huli, ngunit nagtiwala at umasa siya na gagawin ni Judas ang tama. Binigyan ng Diyos ang tao ng freedom, and God respects that. Naging mga haligi ng Simbahan ang mga apostol at pinararangalan natin sila ngayon bilang dakilang mga santo. Nawa ay maging bukas palad din tayo sa mga paanyaya ng ating Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020