Ebanghelyo: Mt 10: 1-7
Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya. Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’
Pagninilay
Sa kasaysayan ng kaligtasan, maraming beses na ang tao ay lumalayo sa Diyos at nakakalimot sundin ang Kanyang utos – lalo na sa mga panahon ng pag-asenso at paglago ng mga katayuan sa buhay gaya ng negosyo, o pagsasakatuparan ng mga dating pangarap sa buhay. Ito ang nangyari sa bansang hinirang na Israel. Sa kanyang paglago at pagkamit ng masaganang buhay, siya naman ay nakalimot sa kanyang mga tungkulin bilang bayan ng Diyos. Nahati ang puso ni Israel at tumingin siya sa mga diyosdiyosan ng mga ibang lahi at karatig-bayan. Ito ay hindi ikinatuwa ng Diyos at siya’y nangako na wawasakin ang mga altar na umaanyaya sa taong sumamba sa diyos-diyosan ng mga banyaga. Sa ebanghelyo, mapapansin natin na gusto ni Jesus na ang kanyang mga alagad ay nakatutok sa isang layunin. Ito ay ang hanapin ang mga naliligaw o nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel at ipahayag ang mensahe ng kaligtasan ng tao. Ang labingdalawang alagad ni Jesus ay tinawag Niya upang ipagpatuloy sa mundo ang Kanyang misyon na mula pa sa Ama.
Maging tapat nawa tayo sa tungkuling ipinagkatiwala ng Diyos sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2024





