Ebanghelyo: Mt 10: 24-33
Hindi daig ng alagad ang kanyang guro, o ng utusan ang kanyang amo. Sapat nang tularan ng alagad ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang maya nang dalawa isang pera, pero wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.
Pagninilay
Ang lahat ng tao ay may mga guro. Ang mga ito ay karaniwang makikita sa
mga paaralan, maliit o malaki man ang populasyon ng mga mag-aaral. Subalit, may iba pang mga tao na hindi man sila mga nanumpa na guro ay maraming naituturo sa atin sa mga bagay-bagay sa mundo at sa mga karanasan sa buhay. Maaaring sa ibang tao ang kanilang mga magulang ang siyang tunay na gabay at ilaw ng kanilang buhay. Ang iba naman ay nagkakaroon ng guro o maestro/a sa katayuan ng isang pari, isang tunay na kaibigan, isang kamag-anak o isang kilala na mapagkakatiwalaan at panatag ang kalooban na nakapagbibigay ng payo, liwanag, at pag-asa sa iba’tibang unos at alon ng buhay. Napakapalad mo kung pinagkalooban ka ng Diyos ng isang tao o mga iilang tao na nagsisilbing “guro” sa buhay. Hindi lahat ay biniyayaan ng tao o mga taong tunay na gabay at tagapagbigay dunong at liwanag sa ating buhay. Mainam na alagaan at huwag ipagwalang bahala ang relasyon sa kanila na binibigay sa atin ng Diyos. Subalit, mas mainam na ang mga natutunan sa mga taong ito ay atin ding maibahagi sa iba na kung kanino tayo naman ay ang tinatawag na maging guro o gabay. “Hindi daig ng alagad ang kanyang guro…” (Mateo 10:24)
© Copyright Pang Araw-araw 2024





