Ebanghelyo: Lucas 10:25-37
May tumindig na isang guro ng Batas para subukin si Jesus. Sinabi niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiintindihan?” Sumagot ang guro ng Batas: “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pagiisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Noo’y sinabi ni Jesus sa kanya: “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Pero gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya ni Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Pero may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa
kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kayat lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa sarili niyang hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko’.” At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” Sagot ng guro: “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”
Pagninilay
“To love is to live and to live is to love!” “Guro, ano ba ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” Marami ang tanong nila: Paano ba ako yayaman? Yung iba naman: Paano ako magiging tagumpay sa aking mga pangarap? May tao ring ang tanong: Paano ba ako liligaya sa buhay? Hindi masamang itanong ang mga ito, subalit mas mahalaga ang tanong kung paano natin makakamit ang buhay na walang hanggan. Simple lang ang sagot ni Jesus: “Sundin mo ang mg utos ng Diyos!” Ito ang 10 utos na ibinigay ni Yawe kay Moises sa bundok ng Sinai subalit pinarami ng mga tradisyon nahalos umabot ng 336 kayat nalilito na ang mga tao. Alin ba rito ang tunay na mahalaga. Alin nga ba ang dapat panghawakan at isabuhay? Para mas madali, ang sampu ang ginawa na lang ng dalawang malaking utos: Mahalin moa ng Diyos ng buo mong isip, lakas, puso at mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Ibig sabihin: to love is to live and to live is to love! At sa langit, mararanasan natin ang hiwaga ng pagmamahal ng Diyos, pagmamahal na pupuno sa lahat ng ating inaasam asam sa buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025