Ebanghelyo: Mateo 10:34—11:1
Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ng tao laban sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang biyenan. At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay. Ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang hindi
nag-papasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagpapahalaga sa kanyang sarili ang siyang mawawalan nito, at ang nawawalan naman ng kanyang sarili ang siyang makakatagpo nito.
Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay
sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.” Nang matapos si Jesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan doon.
Pagninilay
“Dahil sa takot…” “Pagkatapos ay iniutos ni Paraon sa buong bayan: Bawat
sanggol na lalaking isisilang ng mga Hebreo ay kailangang ihagis sa ilog Nilo, pero pabayaang mabuhay ang mga babae.” Bakit iniutos ito ni Paraon? Dahil sa takot! Natatakot siya na dumating ang araw na mas marami pa sa kanila ang mga Hebreo at ang mga ito ay mag-alsa laban sa kanyang pamamahala. Ganito rin ang naramdaman ni Herodes ng ipag-utos niyang patayin ang mga sanggol na dalawang taon pababa sa lahat ng nasasakupang ng Betlehem. Natatakot siya sa propesiya na darating ng “Hari ng mga Judio!” Dahil sa takot ng Russia na kumampi ang Ukraine sa NATO, at humina ang kanyang depensa, sinalakay niya ang Ukraine at
milyon-milyon ang lumikas sa mga katabing bansa; libo-libo na ang namatay, kasama na ang mga bata at kababaihan. Dahil sa takot, maraming nakikitang kaaway, at ang kaaway na ito ay dapat puksain sa pamamagitan
ng anumang pamamamaraan. Wala nang pakialam sa mga inosenteng mamamayan! Wala nang pagpapahalaga sa kultura ng iba! Hindi nanakikita ang dignidad ng bawat tao. Sila ay kaaway na dapat mawala sa mundong ito.
© Copyright Pang Araw-araw 2025