Ebanghelyo: Mateo 11:28-30
“Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at
magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay
“Kapahingahan sa Kaharian ng Diyos.” “Lumapit kayo sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo.” Ang English translation ay higit na mayaman sa kahulugan: “I will give you rest!” Sa Lumang Tipan, nilikha ni Yawe ang sangkalupaan at sa ika-pitong araw,
siya ay “namahinga” (rest). At gusto niya na ang bayan niya ay igalang
ang “Sabbath Rest”. Dapat magpahinga ang mga tao pati na rin ang
mga hayop sa kanilang paggawa. Sa Bagong Tipan, sinabi ni Jesus
na siya ang magbibigay ng kapahingahan sa mga taong nabibigatan sa kanilang pinapasan. Ibig sabihin nito: Kapahingahan sa Kaharian ng Diyos subalit kapahingahan din sa buhay na ito. Ito yung kapayapaan at seguridad sa buhay na nagmumula sa matibay na ugnayan sa Diyos, sa pagsunod kay Jesus at pagiging bukas sa pagkilos ng Espiritu Santo. Gusto mo ba ng kapahingahan na alok sa Jesus? Handa ka bang manalig sa kanya
at sumunod sa kanyang utos?
© Copyright Pang Araw-araw 2025