Ebanghelyo: Mateo 12:14-21
Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila siya masisiraan. Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamamalita.
Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: “Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya. Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga
liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”
Pagninilay
“Bugtong na Anak ng Diyos.” “Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila siya masisiraan.” Hindi matanggap ng mga Pariseo
na hindi nila nagapi si Jesus sa kanilang mga pagtatanong at mga
patibong na pangungusap. Alam ni Jesus ang kanilang malalim na
hangarin. At ngayon nag-usap usap sila paano sisiraan si Jesus at sa bandang huli, paano siya papatayin. Si Jesus ang kanilang kaaway at dapat mawala ang kaaway. Sila ay tapat sa kanilang mga tradisyon at si Jesus ay hindi nagpapahalaga sa mga tradisyong ng kanilang mga ninuno. Hindi
niya iginagalang ang batas ng pamamahinga; patuloy siya sa
paggawa ng mga himala. Kanyang nilinis ang templo at sinabing ang bahay ng kanyang Ama ay bahay dalanginan subalit ginawa nilang pugad ng pagnanakaw. Nagpatawad siya ng kasalanan gayung Diyos lamang ang may kapangyarihang magpatawad. Hindi nila naunawaan na siya ang Bugtong na Anak ng Diyos! Siya ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at nakipamayan sa atin. Hindi nila tinangap ang dumating na liwanag ng
sanlibutan, mas pinili pa nila ang kadiliman kaysa liwanag. Para sa
iyo, sino ba talaga si Jesus?
© Copyright Pang Araw-araw 2025