Ebanghelyo: Mt 12: 14-21
Pagkalabas ng mga Pariseo, nagusap- usap sila kung paano nila siya masisiraan. Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamamalita.
Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: “Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya. Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”
Pagninilay
Dumadami ang nais maging sikat at maging “influencer” o “endorser” upang magkapera at kumita. May iilan nga na ginagawa ang mga hindi kanais-nais na bagay, at kung anu-ano na lang kaganapan sa pang arawaraw na buhay makagawa lang ng “content material” na patok sa mga hilig at pinapanood ng mga “viewers” at “netizens.” Ito na ang mundo at kulturang ginagalawan natin sa panahon ngayon. Nagiging “people pleaser” na ang napakaraming mga tao. Naiiba ang pamantayan ni Jesus sa pamantayan ng mundo natin. Mapapansin natin sa iba’t-ibang bahagi ng ebanghelyo, na mas nakatuon ang ating Panginoon sa pagsunod o pagtalima sa kalooban at kagustuhan ng Ama (missionfocused) kaysa pasayahin ang mga taong sumusunod sa Kanya sa kadahilanang sila ay napapagaling o nabubusog (people-pleaser) ni Jesus. Maliwanag sa mga turo at sa halimbawa ng buhay ni Jesus na hindi Niya hangad ang kasikatan o ninais na papurihan Siya ng mga tao. Sa ibinunyag Niya sa atin, higit na mas mahalaga ang pagtalima sa Diyos bunga ng pagmamahal kaysa sa anumang bagay.
© Copyright Pang Araw-araw 2024