Ebanghelyo: Lucas 10:38-42
Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na
tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa
kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing magisa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”
Pagninilay
“Mapagsilbihan sila ng maayos.” Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang
mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.” Bilang Filipino, mahalaga sa atin ang hospitality, ang maayos na pagtanggap sa bisita lalo ang paghahanda ng makakain para sa kanila. Ganito ang gusto ni Marta para kay Jesus at sa kanyang mga alagad, ang mapagsilbihan sila ng maayos at masiyahan naman sila. Ang pagkukulang lamang ni Marta ay dumaing siya kay Jesus at nagreklamo na tulungan siya na Maria na noong mga panahong iyon ay nakikinig sa mga turo ni Jesus. Ang ginagawa ni Maria ay hindi pagsasayang ng oras, sa katunayan iyon ang mas nagustuhan ni Jesus ang ibigay ang atensyon sa kaniya upang makinig sa kanyang mga aral. OO, kailangan ni Jesus ng pagkain, subalit sa panahong iyon, mas gusto ni Jesus na paglingkuran natin siya sa pamamagitan ng pakikinig. Kung minsan pagod na pagod tayo sa maraming bagay na ginagawa para kay Lord: mga apostolate natin, mga prayer meetings, mga retreat a recollection, at iba pa. Subalit mas gusto ni Lord na araw-araw may tanging oras tayo para tumahimik at makinig lamang sa kanya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025