Ebanghelyo: Juan 20:1-2, 11-18
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa
pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan.
Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama
ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’” Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.”
Pagninilay
“Nakita ko ang Panginoon.” Tinawag ni Santo Tomas de Aquino si Santa Maria Magdalena na “apostola apostolorum” – ang apostol sa mga apostol – dahil siya ang unang nakakilala sa Panginoong Muling Nabuhay, na kanyang ibinalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” Ang dakilang pag-ibig ni Santa Maria Magdalena para kay Jesus, ang kanyang tinatanging Guro, ay hindi nawala sa kanyang kamatayan sa krus at ni hindi siya lumayo sa kanya. Sa halip, ang kanyang marubdob na pagmamahal at kalungkutan ay humalo sa kanyang mga luha habang siya’y paparoon sa libingan ni Jesus, ngunit wala siya roon. Ang magkahalong pagkabalisa at pagkalito ay naging hadlang upang kanyang mapagtanto na ang dalawang indibidwal na nasa kanyang harapan ay mga anghel. Ang kanyang kalungkutan at pagkabalisa ay pumipigil din sa kanya na makilala ang lalaking iyon na nakatayo sa tabi niya, ngunit nang Kanyang binigkas
ang kanyang pangalan ang lahat ng pagkalito at ang kalungkutan ay naparam at nauwi sa galak. Ang pagkalito ay napalitan ng pag-unawa. Gayundin naman, napagtanto ni Maria na ang kanyang Guro ay hindi lamang buhay, kundi siya ang Panginoon, na nag-utos sa kanya na humayo at ipalaganap ang Mabuting Balita. Tayo rin ay inaanyayahan na makibahagi sa iisang misyon na ipahayag ang Mabuting Balita, ang misyon ng buong Simbahan.”
© Copyright Pang Araw-araw 2025