Ebanghelyo: Lucas 11:1-13
Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo:
Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”
Sinabi rin sa kanila ni Jesus: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ At sasagutin ka siguro ng nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa kanya.
“Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatag-puan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok.
“Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa langit? Tiyak na ibibigay niya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya.”
Paninilay
Ang isang karanasang hindi ko makakalimutan sa aking ama ay ang palagian niyang pagdala sa akin sa simbahan sa tuwing siya ay nagsisimba. Marahil doon ako namulat sa napakahalagang bagay na “na-aappreciate” ko habang ako ay lumalaki – ang magdasal. Ang aking ama ang nagturo sa akin kung paano magdasal sa Diyos. Wala pa akong kamalay-malay noon, pero habang ako ay nagkakaisip doon ko mas naunawaan ang kahalagahan ng kanyang ginagawang pagdarasal tuwing Linggo ng umaga. Nakita ko ang kanyang pagsisikap na buhayin kaming sampung magkakapatid. Wala siyang permanenteng trabaho noon. Nakita ko ang kanyang hirap, pero hindi siya nakakalimot magsimba at magdasal.
Ito rin marahil ang nakikita ng mga alagad ni Jesus. Kahit na maraming gawain sa buong araw, gaya ng kanyang pangangaral at pagpapahayag ng Mabuting Balita, ay hindi niya nakaligtaan na laging maglaan ng oras para manalangin. Kaya naisipan nila na magpaturo kay Jesus kung paano manalangin. Kadasalan, nagiging dahilan ang marami nating ginagawa at alalahanin para makaligtaan natin ang magdasal. Ang pananalangin ay isang paraan para manatiling konektado sa Diyos. Nakikipag-usap tayo sa Diyos at pinapakinggan niya ang ating mga sinasabi, maganda at pangit, masaya at malungkot, at maging ang mga nagawa nating mga kasalanan. Nais ng Diyos na lagi tayong nakikipag-usap sa kanya. Ipinakikilala rin ni Jesus na mayroon tayong Diyos Ama sa langit na hindi kailanman nagpapabaya at handang ipagkaloob ang lahat para sa ikabubuti natin. Sikapin natin na huwag mawalan ng oras manalangin. Kahit gaano tayo ka-busy o kapagod sa buong maghapon, sikapin natin na makipag- usap sa ating Amang nasa langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022