Ebanghelyo: Mateo 20:20-28
Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.”
Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.”
Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
Lumapit ang ina nina Santiago at Juan kay Jesus upang hilingin na ang kanyang mga anak ay maupo sa kanyang kanan at kaliwa kapag siya ay naghahari na. Marahil isa ang inang ito sa mga hindi pa nakauunawa sa kaharian at paghahari na tinutukoy ni Jesus. Mali ba ang ina ni Juan at Santiago? Mali para sa paningin ng mga naghahangad ring mailagay sa magandang posisyon ang kanilang mga sarili. Pero para sa isang ina, gagawin niya ang lahat para sa kanyang mga anak. Marami sa mga ina ang lumapit kay Jesus para iluhog ang kapakanan ng kanilang mga anak.
Magandang mapagnilayan natin ito sa panahon ngayon na napakataas ng kompetisyon. Ang mga kabataan, sa kanilang murang edad, ay itinatanim na natin sa kanilang isipan na dapat silang maging magaling. Mas magaling pa sa iba. Sa kagustuhan nating maging magaling, nakakalimutan nating maging mabuti. Sa pananaw ni Jesus, ang tunay na dakila ay iyong marunong at handang maglingkod at hindi para makilala o magpasikat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022