Ebanghelyo: Mateo 20:20-28
Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
Maraming mga naunang tagasunod ni Jesus ang hindi nagtagal dahil hindi nila maunawaan ang kahulugan sa pagiging alagad Niya. Maraming umaasa na si Jesus ay maging lider-pulitikal na magpapamalas ng kapangyarihan at karapatan. Ngunit ang tunay na pagsunod kay Jesus ay ang pakikibahagi sa kanyang kalis, pag-aalay sa dugo upang magbigay ng buhay sa iba. Ang ina ng mga anak ni Zebedeo ay nakisuyo kay Jesus na paupuin ang kanyang dalawang anak sa Kanyang kanan at kaliwa sa Kaharian. Gayunpaman, hindi ito ipinangako ni Jesus dahil hindi iyon ang pamamaraan ng kanyang paghahari. Hindi makakaupo sa kanyang kanan at kaliwa si Juan at Santiago. Pero nagpatuloy sila sa pagsunod kay Jesus at nakibahagi sa kanyang kalis sa pag-aalay ng kanilang sarili bilang mga apostoles at nagpahayag ng Mabuting Balita. Dahil sa kanilang pananalig, nabilang sila sa mga banal sa Kaharian ng Diyos. Hingin natin na sa ating pananalangin ay mamagitan si Apostol Santiago upang tayo’y manatiling nanalig sa ating Kristyanong paglalakbay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023