Ebanghelyo: Mateo 13:36-43
At pinaalis niya ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pagaani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ay ang mga anghel.
“Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang kaharian ang mga eskandalo at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!”
Pagninilay
Kung mabibigyan ka ng pagkakataon at tatanungin, sino ang gusto mong mawala na sa mundong ito? Ilan kaya ang maibibigay mong pangalan? Sa mga panahong ito ng kaguluhan, minsan parang madali na sa ating humusga kung sinu-sino ang mga taong masasama na ayaw na nating mabuhay sa mundong ito. Mga taong inaakala nating nagiging pahirap sa lipunan.
Sa Ebanghelyo, katulad ng mga alagad ni Jesus, tayo ay naguguluhan din. Kaya inaanyayahan tayong lumapit kay Jesus at humingi ng pagkaunawa sa mga bagay na di natin naiintindihan. Huwag tayong padalos-dalos ng desisyon at huwag magdedesisyon ng hindi dumudulog at humihingi ng gabay sa Diyos. Nahihirapan tayo dahil sa mga kasamaang ginagawa ng maraming tao. Hindi naman iyan lingid sa Diyos. Pero hindi tayo diyos at wala sa ating mga kamay ang humatol kung ano ang gagawin sa masasama. Ang isang katiyakan lang na ibinibigay sa atin ay batid ng Diyos kung sino ang nagiging sanhi ng mga pagkakasala at ang mga gumagawa ng masama. Mamayani man ang kasamaan pero darating ang araw na lahat ng masama ay itatali at itatapon sa maningas na apoy. Nawa ay hindi tayo mapabilang sa kanila. Pagsumikapan natin na maging mabuti kahit marami ang gumagawa ng masama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022