Ebanghelyo: Mateo 13:24-30
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis.
Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’ Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng kaaway.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa
mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.”
Pagninilay
“Simbolo ng buhay.” “Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay sa palanggana, at iwinisik naman sa altar ang kalahati… At kinuha ni Moises ang dugo at iwinisik sa sambayanan” (Exodo 24:3-8). Ang Lumang Tipan ay naganap sa pamamagitan ng dugo ng hayop, kalahati ay iwinisik sa altar na sumisimbolo kay Yawe ang kalahati ay iwinisik sa sambayanan ng Israel. Sa ganitong pamamaraan, nakikibahagi ang Israel sa buhay na handog ng
Diyos at nanganagako na susunod sa kautusan ni Yawe. Sa Bagong Tipan, hindi na dugo na hayop ang ginamit kundi and dugo ni Jesus na kanyang malayang ibinuhos para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Ang dugo
ay simbolo ng buhay, at sa Banal na Eukaristiya, tayo’y umiinom sa dugo ni Kristo at kumakain ng kanyang laman. Dahil maliwanag ang pangako: Ang sinumang kumain ng aking laman at uminom ng aking dugo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan (Juan 6:33-34). Kaano kahalaga sa iyo ang pagtanggap ng Banal na Komunyon? Sa pagtanggap natin ng Katawan at Dugo ni Kristo nagbabago ba tayo? Tayo’y ba’y higit na nagiging kalarawan ni Jesus? Nakikita ba sa atin ang kanyang pagmamalasakit sa kapakanan at kaligtasan ng iba?
© Copyright Pang Araw-araw 2025