Ebanghelyo: Juan 11:19-27 (o Lucas 10:38-42)
Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria para makiramay sa kanila sa kanilang kapatid. Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. At sinabi ni Marta kay Jesus: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Ngunit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sinabi naman sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya
sa pagkabuhay sa huling araw.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang pagkabuhay (at ang buhay.) Mabubuhay ang nananalig sa akin kahit na mamatay siya. Hinding-hindi mamamatay kailanman ang bawat nabubuhay at nananalig sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?” Sinabi niya sa kanya: “Opo, Panginoon. Nananalig nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na dumarating sa mundo.”
Pagninilay
“Mabuhay kasama ni Jesus.” “Ako siyang pagkabuhay at ang buhay. Mabubuhay ang nananalig sa akin…” (Juan 11:25). Binanggit ni Jesus ang mga katagang ito sa harapan ni Marta habang nalulumbay sa pagyao
ni Lazaro na kanyang kapatid. Sa ebanghelyo ni Juan, ang ikapito at huling himalang ginawa ni Jesus ay ang buhaying muli si Lazaro kahit apat na araw na siyang nakalibing. At naroon ang pangako na sinumang manalig sa
kanya ay muling mabubuhay at makikibahagi sa kanyang muling pagkabuhay. Ang tagpong ito ay nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa sa harap ng dilim ng kamatayan. Hindi kamatayan ang huling salita sa ating buhay kundi ang mabuhay kasama ni Jesus at sa kanya wala ng luha at wala ng kamatayan pa. Ang mamamayani ay kapayaan at buhay na walang
hanggan. Kapatid, ito ba ang pinanghahawakan mo?
© Copyright Pang Araw-araw 2025





