Ebanghelyo: Mt 13: 36-43
At pinaalis niya ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ay ang mga anghel. Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang kaharian ang mga eskandalo at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga.
Pagninilay
Maraming bagay ang matututunan sa kasaysayan ng kaligtasan ng Israel. Kung ating bibigyan ng sapat na panahon at atensyon, may mga maling nagawa ang Israel at Juda na pwede na nating iwasan at huwag gawin upang tayo ay mailigtas sa kapahamakan, o sa pagiging sawimpalad. Isa sa mga dapat nating itaga sa ating puso at isipan ay ang malaking kamalian at kapalpakan ng bayang ilang beses na pinahahalagahan ng Diyos at biniyayaan dahil Siya ay nakipag tipan dito, “Ako ang iyong Diyos, at ikaw ang aking bayang hinirang.” Winalang-bahala nila ang pag-ibig at pag-aalaga ng Diyos. Binalewala nila ang napakaraming pagkakataon na sila ay iniligtas ng Diyos sa kapahamakan gaya ng pagpapalaya ni Yahweh sa kanila sa bansang Ehipto. Mas pinili ng bayang hinirang ang pagsamba sa iba’t-ibang diyosdiyosan ng mga karatig bayan kaysa sundin ang kalooban ni Yahweh. Hindi na natin kailangan ulitin ang malaking kasalanan sa Diyos na nagawa ng bayang hinirang. Bago pa dumating ang takdang araw ng paghuhukom, matuto na tayong buksan ang ating puso sa pag-ibig ng Diyos at tumalima sa Kanyang kalooban na nagbibigay sa atin ng kaligtasan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024