Ebanghelyo: Lucas 12:13- 21
Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo?” At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.”
At idinagdag ni Jesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’
Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinutubo para sa Diyos.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, narinig natin ang isinangguni kay Jesus. Tungkol sa hatian ng mana. Hindi naman na bago ang kuwentong ito. Dahil magpasahanggang-ngayon ay maraming pamilya ang nagkakawatak- watak nang dahil lamang sa mana. Nang dahil lang sa PERA. Pera, na hiniram at hindi pa naibabalik. Pera na inutang na hindi pa nababayaran. Ang nakakalungkot lang ay handa natin putulin ang ating mga ugnayan kapalit ng halaga. Hinahayaan natin na sirain tayo ng pera imbes na buoin tayo nito. Para kay Jesus hindi na dapat itong maging usapin na kailangan pang idulog sa kanya. Kaya nga ang bilin ni Jesus sa lahat ay “mag-ingat at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” Napakagandang paalala na mas higit na pahalagahan ang ugnayan ng pamilya o maging ng anumang relasyon. Pero, maganda rin naman na mas maging responsable tayo sa mga bagay na mayroon tayo. Ang mga mas higit na mayroon ay matutong magkusang magbigay.
Sa mga wala at umaasa pa sa tulong ng iba, huwag din makalimot sa responsibilidad. Ang inutang ay dapat mo ring panagutan. Huwag mahihiyang magsabi kung wala pang pambayad. Huwag din maging abusado. Kapag ikaw ay nagkaroon, ibalik mo at tuparin ang iyong pangako na magbabayad. Sa mga inutangan naman, kung sakaling hindi mo naman kailangan, maari naman isipin na tulong mo iyon lalo pa ito ay kapamilya mo. Muli, huwag nawang umabot sa pagkakalimutan ang magkakapamilya dahil lamang sa usapin ng pera o kayamanan. Tayo ay iisang pamilya ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022