Ebanghelyo: Marcos 12:13-17
Gusto nilang hulihin si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napadadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagayan ng tao kundi tunay na itinuturo ang daan ng Diyos. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?”
Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
Lubha silang namangha sa kanya.
Pagninilay
“Honesty is the best policy” – karamihan sa atin ay natutunan ang ginintuang aral na ito mula pagkabata pa. Kapag tayo ay hindi tapat, ito ang nagiging daan para kamuhian tayo o hindi gustuhin ng tao. Ngunit sa kabila nito, ang pagiging tapat ay may katapat din. Sa ating karanasan, kapag ang tao ay pumapanig sa katotohanan, siya ay inuusig ng mga nasa kabilang panig. Sa larangan ng trabaho, ilan sa mahihirap ang nagpapakapagod sa kanilang hanap-buhay ngunit hindi nakakatanggap ng makatarungang sahod at benepisyo? Hindi ba ito ay isang indikasyon ng hindi pagiging tapat ng mga mayayaman at makapangyarihan sa mga taong aba ang kalagayan? Si Jesus ay hindi inalintana ang panganib sa kanyang pagsasalita hinggil sa katotohanan. Tayo ba ay ganoon din?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021