Ebanghelyo: Marcos 10:46-52
Dumating sila sa Jerico. At pag-alis niya roon kasama ng kanyang mga alagad at ng marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabi ng daan – si Bartimeo, ang anak ni Timeo. Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nag simula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Jesus, Anak ni David.” Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, Anak ni David, maawa ka sa akin!”
Huminto naman si Jesus at sinabi: “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila ang bulag: “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.” Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Jesus.
Kinausap ito ni Jesus at sinabing: “Ano ang gusto mong gawin ko?” At sumagot sa kanya ang bulag: “Ginoo, makakita sana ako.” At sinabi naman ni Jesus: “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.”
Agad siyang nakakita at sumunod siya kay Jesus sa daan.
Pagninilay
Kilala na ni Bartimeo si Jesus. Hinihintay niya si Jesus sapagkat naniniwala si yang mapapagaling siya nito. Nais niyang makakita. Bagamat pinagsabihan na, sumigaw pa rin siya upang mapansin ni Jesus. Gumaling siya dahil sa kanyang pananamapalataya. Si Bartimeo ay larawan nang isang ganap at masigasig na pananampalataya. Ang kanyang pananalig kay Jesus ay walang pagdududa. Tiyak para sa kanya ang nais ni yang hilingin kay Jesus, na siya’y makakita. Kahit bulag si Bartimeo, nakita niya sa kanyang puso si Jesus. Marami sa atin ang hindi naman bulag ngunit sa maraming beses ay di pa rin natatagpuan si Jesus. Ang hinahanap ng kanilang mga puso ay mga bagay na makamundong kasiyahan lamang ang dala. Suriin natin ang nasa loob ng ating mga puso at tingnan kung ano ang ninanais nito. Nawa’y mabuksan ang mga mata natin upang matagpuan natin ang ligayang walang hanggan kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023