Ebanghelyo: Juan 16:29-33
Kaya sinabi ng kanyang mga alagad: “Hayan, lantaran ka na ngayong nangungusap, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya naniniwala kaming sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t may oras na sumasapit at sumapit na upang mangalat kayo – bawat isa sa sariling kanya at iiwan n’yo akong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang sa akin kayo magkaroon
ng kapayapaan. Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, napagtagumpayan ko ang mundo.”
Pagninilay
“Kampante at banal.” Si Rio ay isang huwarang layko. Matuwid at mabait. Kampante sa kanyang kabanalan. Hanggang sa kailanganin niyang alagaan ang kanyang Ama na may alzheimer. Nasubok ang kanyang pasensya. Hindi pa pala siya banal tulad ng kanyang pag-aakala. Hindi tayo maaaring maging kampante sa buhay espiritwal. Sa Unang Pagbasa, kampante at kontento na ang labindalawang lalaki sa kanilang tinanggap na binyag ng pagsisisi hanggang sa dumating si Pablo at bininyagan sila sa Pangalan ng Panginoong Jesus upang tanggapin nila ang Espiritu Santo. Nagtungo pa si Pablo sa sinagoga upang makipagpaliwanagan at manghikayat sa mga hindi pa sumasampalataya. Hindi kampante si Pablo. Sa ebanghelyo, akala ng mga alagad ay kilala na nila ang Panginoong Jesus sapagkat hindi na patalinhaga kundi direkta na itong mangusap, ipinaalala Niya sa kanila
na hindi sila pwedeng maging kampante bilang mga alagad sapagkat
sa kanilang pagsunod sa Panginoon magdaranas sila ng pakikipagtunggalian at pakikipaglalaban sa mundong kanilang ginagalawan at sa kanila mismong kalooban. Hilingin natin ang biyaya na
hindi maging kampante, bagkus masanay sa tunggalian na tanging sa Panginoon matatagpuan ang kapayapaan. Luluwag ang ating kalooban. Makakahinga. Giginhawa. Sapagkat kaisa Niya. Hindi pa man, panalo na!
© Copyright Pang Araw-araw 2025