Ebanghelyo: Mc 12: 13-17
Gusto nilang hulihin si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napadadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagayan ng tao kundi tunay na itinuturo ang daan ng Diyos. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?” Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pa-ngalan?” umagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Lubha silang namangha sa kanya.
Pagninilay
Sa ebanghelyo, ang isyu ng pagbubuwis ay nais sanang gamitin ng mga Pariseo upang gawing bitag laban kay Jesus. Kung pagtitibayin ni Jesus ang pagbubuwis ng Roma, masasaktan ni Jesus ang kalooban ng kanyang mga tagasunod (Hudyo). Kung tatanggihan naman niya ito, mahaharap siya sa kasong pagtataksil laban sa sistemang Romano. Gayun pa man, ang naging tugon ni Jesus sa bitag na tanong ay hindi nila inaasahan: “Ibigay nga kay Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” May mga pagkakataon na sinusubukan rin natin ang paggalaw ng Diyos sa buhay natin. Sa kabila nito, pinapaalala na mahalagang tugunan natin ang mga personal at panlipunan nating responsibilidad o obligasyon. Dapat ba nating bayaran ang ating mga buwis? Oo. Ang imahe o mukha sa barya ay nagpapaalala sa atin ng nararapat na pagmamayari nito. Ngunit ito rin ay isang magandang paalala kung Kanino tayo tunay na nabibilang – Sa Diyos. Ibinigay ba natin ang buo nating sarili sa Diyos? Ginawa tayo sa Kanyang larawan. Kaya naman, Siya ang nararapat na mag may-ari sa atin. Bumalik tayo sa tunay na nagmamay-ari sa atin at ganap na ibigay ang sarili natin sa Kanya
© Copyright Pang Araw-Araw 2024