Ebanghelyo: Marcos 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Pagninilay
The two greatest commandments. Hinding hindi kailanman mapapaghiwalay ang dalawang Utos na ito. Ito rin ay ang tinatawag na Theology of the Cross. Ang krus ay may dalawang guhit – isang pahalang at isang pahaba. Ang pahaba ay sumusimbolo sa ating ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, at mga gawaing itinuro ng Simbahan; samantalang ang pahalang na guhit naman ay ang ating relasyon sa ating kapwa. Sumasamba pataas sa Diyos at tumitingin sa kaliwa’t kanan sa pangangailangan ng ating kapwa. Marami sa atin ang nakakapagdasal nga ngunit kapos naman sa mga gawain na nagpapakita ng pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa. Minsan pagkatapos sumimba ay kukumpol naman sa chismisan at paninira ng kapwa. Pagkatapos mag-alay sa buslo ay makikibahagi naman sa mga gawaing nakakapanlamang sa kapwa. Marahil ay isang malaking hamon sa atin na parehong tingnan ang ugnayan natin sa Diyos at sa kapwa. Maaari naming pagsabayin ang dalawa. Ang panawagan ni Jesus ay malinaw: ang pagmamahal sa kapwa ang daan tungo sa ating malalim na ugnayan sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





