Ebanghelyo: Mateo 5:1-12
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila:
“Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila. Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.
Pagninilay
Buhay ang Diyos na pinaglilingkuran ko.” 1Hari 17:1 Ito ang sawikaing pampukaw ng mga Karmelita. Ito ang dahilan kung bakit ang tinutukoy na patuloy na pinagsusumakitan ng mga tagasunod ni Propeta Elias ay ang hanapin ang mukha ng Diyos. Ang sinumang naghahanap ng mukha Diyos ay hindi agad-agad napanghihina ng sakit, pagsubok o pagkabigo. Lahat ng ito’y naging mukha ng Diyos sa pagkatao ni Jesus.
May nabasa akong salaysay ng isang naging biktima sa Concentration Camp. Nang matapos na ang pananakop ng Nazi at siya’y nakalaya, nagtanong siya sa Diyos sa kanyang pananalangin: “Panginoon, nasaan ka noong panahong nagdurusa kami?” Sa puso niya’y natanggap niya ang ganitong tugon, “Kasama mo.” Kasamang nagdurusa ng mga nagdurusa ang Panginoon nating nagdusa sa Krus.
Sa ebanghelyo, tinawag ni Jesus na mapalad ang mga dukha, mga nagdadalamhati, mga inuusig, ga nagbabata ng krus… sapagkat kabilang sila sa pinaghaharian ng Diyos. Ang makamundong kaligayahan ay pansamantala lamang, lilipas at maglalaho. Ang alok na biyaya ng Diyos ay pang-magpasa-walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022