Ebanghelyo: Marcos 12:13-17
Gusto nilang hulihin si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napadadala sa iba. Hindi ka nag sasalita ayon sa kalagayan ng tao kundi tunay na itinuturo ang daan ng Diyos. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?”
Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang naka larawan dito, na na rito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
Lubha silang namangha sa kanya.
Pagninilay
Sa panahon ng pandemiya na Covid-19, naligalig ang lahat sa mga batas na dapat sundin upang maiwasan ang pagkalat ng virus. Nagbago ang takbo ng buhay sa buong mundo. Apektado ang ating malayang paggalaw at marami ang mga hinuli at pinarusahan dahil sa paglabag sa mga batas. Hindi madali ang kalagayan ng lahat. Mahirap ang pagtatrabaho at marami rin ang mga namatay. Sa gitna ng lahat ng ito, may isang obispo na nagwika na ang isang tunay na Kristiyano ay siyang nangunguna sa pagsunod sa batas. Pinaaalalahanan tayo ni Jesus na maging responsableng mamamayan. Sa pagiging responsable, ipinapakita natin ang ating pagmamalasakit at pakikipagkapwa. Hindi itinuturo ni Jesus ang pagsalungat sa maykapangyarihan kundi ang manindigan sa katotohanan, moralidad at katarungan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023