Ebanghelyo: Mateo 5:38-42
Narinig na ninyo na sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya nang isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.
Pagninilay
Sa buhay ni Jesucristo sa lupa, ipinamalas niya ang pagkiling sa mga taong nasa mababang antas ng lipunan. Ngunit kahit na ganito, hindi siya nagturo ng pag gamit ng karahasan upang masupil ang mga inhustisyang nararanasan ng mga tao noon. Kababaang-loob ang kanyang ipinakita hanggang sa huli. Ngunit ang kababaang-loob bang ito ay nag uudyok sa atin upang tanggapin at hayaan natin ang pang-aapi at pananamantala ng ibang tao sa atin? Ang sagot ay hindi. Tinuturuan tayo ni Jesus na huwag hayaang yurakan ng iba ang ating pagkatao at matuto rin tayong umiwas sa sitwasyon na kung saan ay malalagay sa alanganin ang ating pasensya na hahantong sa ating pagka bayolente. Kapag patuloy tayong binabato, protektahan natin ang ating sarili sa pamamaraan ng pag-ilag at paglayo sa isang masalimuot na sitwasyon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021