Ebanghelyo: Mateo 5:43-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan.
Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?
Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Kapag tinamaan ang dugtungan ng ating tuhod habang ito ay nakaangat sa lupa, ang reaksiyon nito ay gumalaw nang paitaas na waring naninipa. Ganito rin ang karanasan ng tao, kapag tayo ay nasaktan sa anumang aspeto ng buhay, ang kadalasang reaksyon o tugon ay makabawi o makaganti sa taong hindi gumawa ng mabuti sa atin. Ngunit bilang mga tagasunod ni Jesus, tayo ay tinuturuan niya na maging mahinahon at kabutihan ang iganti sa mga taong hindi nagpapakita ng magandang pakikitungo sa atin. Ito ang marka ng isang tunay na Kristiyano: marunong magmahal hindi lamang sa mga nagmamahal sa atin, kundi sa mga tao ring hindi maganda ang pagtrato sa atin. Hindi ito nangangahulugan na maging malapit tayong literal sa kanila, ngunit malaking bagay ang magagawa kung gagawan natin sila ng mabuti at idalangin ang ikapagbabago nila at ikagaganda ng kanilang buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021