Ebanghelyo: Juan 16:12-15
Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid
niya kayo sa buong katotohanan. Hindi siya mangungusap mula sa
ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga
bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa
Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.
Pagninilay
“Ang Espiritu ng Katotohanan.” Kapag “in-love” ang isang tao, hindi nya maitatago ang pagmamahal sa kanyang puso. Mag-uumapaw ito. Makikita ito sa ningning ng kanyang mata at matamis na ngiti. At sa kanyang paghahangad na maipahayag ang nag-uumapaw na pag-ibig, siya’y nagiging malikhain. Inilalabas ito sa tula, kanta, at iba pang ekspresyon. Ang karanasan ng tao ng nag-uumapaw na pag-ibig ay tilamsik lang ng pag-ibig ng Diyos. Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos, ang Diyos ng nag-uumapaw at malikhaing pag-ibig. Sa Unang Pagbasa, matutunghayan natin ang presensya ng Diyos na naroon na bago pa nilikha ang lahat. Sa simula’t simula, hangad na Niyang ipahayag ang kanyang nag-uumapaw na pag-ibig kaya nga kanyang nilikha ang daigdig. Sa Ikalawang Pagbasa, hangad ng Diyos na maranasan natin ang kanyang nag-uumapaw na pag-ibig hindi
lang sa kalikasan kundi pati na rin sa ating katauhan. Kaya nagkatawang tao ang Diyos. Sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesus naranasan natin ang kanyang kagandahang-loob at nag-uumapaw na pagibig, na sa puso natin ay ibinuhos. Ang bawat tibok ng puso natin ay tibok ng puso ng Diyos. Sa ebanghelyo, winika ng Panginoon na hindi pa tapos ang pagpapahayag ng Diyos ng kanyang nag-uumapaw at malikhaing pag-ibig sa atin. Kaya nga ipinadala nya ang Espiritu ng Katotohanan upang ito’y ating patuloy na maunawaan, makita at maramdaman. Hilingin natin ang biyaya na maranasan ang nag-uumapaw, malikhain, na personal na pag-ibig ng Diyos na santatlo sa iyo.
© Copyright Pang Araw-araw 2025