Ebanghelyo: Mateo 6:19-23
Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo nawa na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.
Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!
Pagninilay
Sa tuwing bumibisita tayo sa puntod ng ating mga mahal sa buhay, naiiisip ba natin na balang araw ay magiging isa rin tayo sa kanila? Sa taimtim na pagninilay, mapapagtanto natin na napakaiksi ng ating buhay sa lupa. Balewala kung ano man ang naabot natin sa buhay at kung gaano man kalaki ang ating naipundar dahil ang lahat ng ito ay ating iiwanan. Sa pagharap natin sa Diyos, marahil ay yaman ng ating puso ang kanyang titingnan. Ang mga kabutihang nagawa natin sa ating kapwa ang nakamarka rito. Maaaring hindi tayo sikat sa paningin ng ibang tao dahil hindi tayo naging matagumpay sa estado ng ating buhay ngunit hindi kailanman magiging lingid sa Diyos ang kasimplehan at kabutihang-loob na ipinakita natin sa ating kapwa lalo na sa mga dukha. Ito ang totoong yaman na hahanapin sa atin ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021