Ebanghelyo: Mateo 6:24-34
“Walang makakapagsilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa una at mapababayaan ang pangalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.
“Kaya sinasabi ko sa inyo: huwag mag-alala sa kakanin at iinumin para sa inyong buhay, o sa idadamit para sa inyong katawan. Di ba’t mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? Tingnan ninyo ang mga ibon sa langit: hindi sila naghahasik ni nag-aani, ni nag-iipon sa mga bodega, gayunma’y pinakakain sila ng inyong Amang nasa Langit. Di ba’t mas mahalaga kayo kaysa mga ibon?
“Sino sa inyo ang makapagdadagdag sa Kanyang taas sa pagkabahala Niya? At bakit kayo mababahala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa bukid, sa pagtubo ng mga ito. Hindi sila nagtatrabaho o humahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit na si Solomon sa Kanyang kayamanan ay hindi nakapagbihis gaya ng isa sa kanila. Kung ganito ang damit na ibinibigay ng Diyos sa mga damo – mga damong nasa bukid ngayon at susunugin bukas sa kalan, higit pa ang gagawin Niya para sa inyo, mga taong maliit ang paniniwala!
“Huwag na kayong mag-alala at magsabi: Ano ang ating kakanin? Ano ang ating iinumin? O, ano ang ating isusuot? Ang mga pagano ang nababahala sa mga bagay na ito; ngunit alam ng inyong Amang nasa Langit na kailangan ninyo ang mga ito.
“Kaya hanapin muna ninyo ang kaharian at katarungan ng Diyos, at ibibigay rin sa inyo ang lahat ng ito. At huwag alalahanin ang bukas sapagkat bahala ang bukas na magalala sa Kanyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang sariling hirap nito.”
Pagninilay
Kahit saang larangan man ng buhay, ang laging tukso na patuloy na kinakaharap nating mga tao ay pera. Ito ang nagiging basehan kung sino ang makapangyarihan. Nakakalungkot madinig sa ibang tao na ang lahat ay kayang mabili ng salapi. Napakaimportante ng pera dahil ito ay ang paraan para tayo ay literal na mabuhay at makaranas ng pag-asenso ngunit hindi ito ang susi para magkaroon ng makabuluhang buhay. Kailangan pa rin natin ang salapi ngunit kapag ito ay ang nagiging daan upang masira ang ating relasyon sa Diyos at sa ating kapwa, kinakailangan nating huminto at magnilay. Dahil una sa lahat, ang pinaka importanteng pagsumikapan natin ay kung paano magtamo ng makabuluhang buhay. Kung tayo man ay nakakaalwan sa buhay, ang ating mga personal na yaman ay makapagbabago ng mundo kung matututo tayong tumugon sa mga taong mas higit na nangangailangan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021