Ebanghelyo: Lucas 9:11b-17
Kaya tinanggap niya sila at nagsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos; at pinagaling din niya ang mga nangangailangan ng lunas. Nang humahapon na, lumapit sa kanya ang Labindalawa at sinabi sa kanya: “Paalisin mo na ang mga tao para makalakad sila papunta sa mga nayon
at bukid sa paligid nang makapagpahinga at humanap ng makakain. Sapagkat nasa ilang na lugar tayo rito. At sinabi sa kanila ni Jesus: “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Ngunit sinabi nila: “Wala kaming
anuman kundi limang tinapay at dalawang isda; o baka naman kami pa ang pupunta at bibili ng pagkain para sa lahat ng taong ito?” May mga limanlibong kalalakihan doon. Kaya sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Paupuin ninyo sila sa mga grupong tiglilimampu. Ganito nga ang kanilang ginawa at pinaupo ang lahat. At kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit at binasbasan ang mga ito, pinagpirapiraso at ibinigay sa kanyang mga alagad para ipamahagi sa mga tao. Kumain at nabusog ang lahat; at tinipon nila ang mga natirang pira-piraso – labindalawang basket.
Pagninilay
“Tayo ay nagiging isang katawang buhay.” Isa sa pinakamalalim na hangarin ng ating puso bilang tao ay ang may kahit na isa lang tao na makapasok sa ating kalooban at makakilala sa atin ng lubusan. Sa kabilang dako, ang pinakamalalim na kalungkutan ay ang maramdaman na wala kahit sinong nakakakilala at nakakaunawa sa atin ng lubusan. Sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon. Ang Banal na Eukaristiya, ang sakramento ng pakikipag-isa at puso-sa-pusong ugnayan sa Panginoon. Sa Banal na Eukaristiya, tinutugunan ng Panginoon hindi lang ang ating hangarin namay makakilala sa atin ng lubusan, kundi ang makaisa Niya sa katawan at dugo, isip, puso, at kaluluwa. Tayo ay nagiging kanya. Sa Unang Pagbasa pinagpala ni Abram si Melkizedek, ang hari ng Salem at pari ng kataastaasang Diyos, pagkatapos niyang mag-alay ng tinapay at alak. Siya ay kumakatawan sa ating Panginoon bilang Paring walang hanggan at tagapamagitan ng tao sa Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, sa huling hapunan, ipinagkaloob ng Panginoon sa Kanyang mga alagad ang Kanyang banal na katawan at dugo, at itinagubilin sa kanila na ipagpatuloy ito bilang alaala ng kanyang pag-aalay ng sarili at buhay. Sa Mabuting Balita, sa ating pagbabahaginan, pagpipira-piraso ng tinapay ng ating buhay, tayo ay nagiging isang katawang buhay na nagbibigay buhay sa isa’t isa. Sa Banal na Eukaristiya naghihintay ang Panginoon sa atin tuwina. Lapitan natin Siya upang ating maranasan ang ang pinakamalalim na kagalakan, ang makaisa Siya ng lubusan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025