Ebanghelyo: Lc 1: 57-66, 80
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamaganakan niya kung gaano nagdalang awa sa kanya ang Panginoon kaya’t nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka naming kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At nagging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Anon a kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon. Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.
Pagninilay
Sa tagal ng pagsasama nina Zacarias at Elizabeth, ngayon lang sila pinagkalooban ng Diyos ng isang anak, sa panahon na kung saan wala na silang kakayahan. Sa kanilang katandaan, isinilang ni Elizabeth ang isang sanggol na maghahanda ng daan para kay Jesus na ating Tagapagligtas. Pagnilayan natin kung paanong pinarangalan at tinugon ng Diyos ang taimtim na pagdarasal, pagsasakripisyo at pananampalataya nina Zacarias at Elizabeth. Pagtuunan natin ang ating mga sariling karanasan, lalo na sa mga pagkakataon na nais na nating sumuko dahil sa kahirapan, problema at mga kahinaan sa buhay. Kahit pa sa panahong nawawalan tayo ng pag-asa, ang Diyos ay laging nakaabang at naghihintay na bumalik tayo sa Kanya. Sa Banal na Kasulatan ay nakatagpo natin ang isang Diyos na laging gumagawa para sa kabutihan, kahit na tayo ay lumilihis ng landas. Isang Diyos na dalubhasa sa paggawa ng paraan para sa mga aba, na nagbubukas ng mga pagkakataon kapag aandap-andap na ang natitira nating pag-asa.
© Copyright Bible Diary 2024