Ebanghelyo: Lucas 1:57-66, 80
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan niya kung gaano nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasa-kanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon. Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.
Pagninilay
“Kahulugan ng buhay.” Maraming tao ngayon ang dumaranas ng krisis ng kahulugan. Hinahanap nila ang kahulugan at dahilan ng kanilang buhay at pagiral. Sino ako? Para kanino ako? Bakit ako nabubuhay? Sa araw na ito ay
ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang kay Juan Bautista. Siya ay huwaran at gabay para sa mga taong naghahanap ng kahulugan ng buhay. Ipinakikita sa Unang Pagbasa na ang bawat tao ay mahalaga. Sa sinapupunan pa lang ng ating ina, tayo ay tinawag na, itinalaga, hinubog at inihanda para sa ating misyon. Kaya nga ang tugon natin sa ating Salmo ay “Pinupuri kita, Diyos ko, dahil ako’y nilikha mo.” Sa Ikalawang Pagbasa, malinaw kay San Juan kung sino s’ya at kung ano ang kanyang misyon. Nakaugat siya sa katotohanan. Wala siyang ilusyon. Kaya nagpakababa siya dahil alam niya na siya ay tagapaghanda lang ng daraanan, at hind ang Daan. Siya ay tinig lang na sumisigaw sa ilang at hindi ang Salita, at siya ay abay lang, at hindi ang Lalaking ikakasal.
Sa Mabuting Balita, sa pagsilang kay San Juan, nahayag ang kanyang misyon sa pagbibigay sa kanya ng pangalan ng kanyang mga magulang.
Juan, na nangangahulugan na ang “Diyos ay mapagpala”. Kaya nga siya’y pinatnubayan ng Panginoon at naging pagpapala mula noon hanggang ngayon. Kung hinahanap mo ang kahulugan ng iyong buhay, balikan mo ang iyong mga mahahalagang karanasan mula sa iyong pagsilang, pagnilayan ang mga tanda sa iyong daan. kahulugan ng iyong pangalan,
at hanapin ang iyong misyon.
© Copyright Pang Araw-araw 2025