Ebanghelyo: Mateo 7:21-29
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. Sa araw na iyon, marami ang magsasabing: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: ‘Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.’ Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan! Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.
Pagninilay
“Sumunod sa kalooban ng Diyos.” Ayon kay Sta. Teresa ng Avila ang hantungan ng ating buhayespiritwal ay ang pakikipag-isa ng kalooban sa Diyos. Napakahalaga na mapatalas natin ang ating kakayahang mangilatis kung mabuti o masamang espiritu ba ang naghahari sa atin. Saan tayo
dinadala ng ating mga karanasan? Papalapit ba o papalayo sa Diyos? Kailangan nating malaman upang hindi tayo malinlang ng kalaban at
mabulid sa kapahamakan. Sa Unang Pagbasa, matutunghayan natin kung paanong nalinlang si Saray ng kanyang matinding hangarin na bigyan ng anak si Abram. Pinasiping niya kay Abram ang kanyang aliping si Agar upang magkaroon siya ng anak sa pamamagitan nito. Subalit dahil sa kanyang maling desisyon, inapi siya at hinamak ng kanyang alipin. Sa ating Mabuting Balita, itinuturo ng Panginoon ang kahalagahan ng pagsasaliksik at pagsunod sa kanyang kalooban sapagkat tanging ang sumusunod sa kanyang kalooban ang makapapasok sa pintuan ng kalangitan. Kung tayo ay nakikinig, nagsasaliksik at sumusunod sa kalooban ng Panginoon, para tayong kongkretong bahay na matatag ang pundasyon. Hindi madadala ng pabago-bagong emosyon at hindi maibabagsak ng iba’tibang hamon. Kabaligtaran naman nito kung tayo ay pasaway, para tayong mahinang bahay na pahapay-hapay madaling ibagsak ng pagsubok ng buhay. Anong uring bahay ka?
© Copyright Pang Araw-araw 2025