Ebanghelyo: Lucas 15:3-7
Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi.
Pagninilay
“Ang nawawalang tupa.” Mayroong pamilya na nagsisimba sa amin. Ang dalawang anak ng mag-asawa ay parehong “special child.” Kitang-kita at
damang-dama ko ang espesyal na atensyon at pagmamahal ng kanilang ama at ina sa kanila. Sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Jesus na nagkakaloob sa
atin ng espesyal na pagmamahal at atensyon sapagkat tayo ay mga “special children.” Sa Unang Pagbasa, matutunghayan natin ang pag-aalaga, pagkalinga, pag-iingat, at pagbabantay ng Panginoon bilang pastol ng kanyang mga tupa, lalo na sa mga espesyal na tupang ligaw, nawawala, nasaktan, at mahihina. Sa Ikalawang Pagbasa, mararamdaman natin ang espesyal na pagmamahal ng Diyos na walang kondisyon. Minamahal Niya tayo hindi dahil tayo’y mabuti, sa halip, minahal Niya tayo sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Inialay Niya ang kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Nilinis Niya tayo ng kanyang dugo at ibinuhos ang kanyang Banal na Espiritu sa ating puso. Sa ating Mabuting Balita, makikita natin ang espesyal na trato, atensyon at pagtingin ng Panginoon sa nawawalang tupa. Bagama’t siya’y nag-iisa, iniwan ng Pastol ang siyamnapu’t siyam upang hanapin, iligtas, at ibalik sya sa kawan. Ganito ang pagmamahal ng Diyos sa ating lahat na makasalanan. Tayo ang kanyang nawawalang tupa, ang mga “special children” na nangangailangan ng kanyang habag at pagkalinga. Hilingin natin ang biyaya na maramdaman natin sa ating buhay ang espesyal na pagmamahal na nagmumula sa kamahal-mahalang puso ni Jesus. Ipadama natin ito sa ating kapwa makasalanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025