Ebanghelyo: Mt 5: 17-19
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang- bisa kundi upang magbigaykaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.
Pagninilay
Direktang sinabi ni Jesus na hindi siya naparito sa lupa upang ipawalang-bisa ang batas kundi upang isakatuparan ito. Subalit, madalas Siyang paratangan ng mga Pariseo na lumalabag dito sapagkat gumagawa Siya ng mga himala sa Araw ng Sabbath. Nais ipaunawa ni Jesus na nakatuon ang Kanyang mga ginagawa sa diwa mismo ng batas – ang pagmamahal sa Diyos at kapwa. May mga pagkakataong iniisip ng mga tao kung paano sila makalulusot sa mga batas o anumang patakaran. Bagay na nagdadala sa kanila para malihis ang kanilang atensyon sa diwa ng batas. Sa halip na kaayusan, nakapokus ang kanilang atensyon sa sariling interes lamang. Mapagbigyan lamang sila sa kanilang hangarin. Subalit, mali man sa paningin ng mga legalistikong mga Pariseo, ipinagpatuloy ni Jesus ang sa tingin nilang mali. Sapagkat maliwanag kay Jesus na ang pagsunod sa batas para sa kapakanan ng mga tao. Tunay nga na naparito si Jesus upang ipadama sa kapwa ang Kanyang pagmamahal – ang tunay na diwa ng batas.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024